What is Nostr?
Bitcoin ba kamo?
npub1svh…jk0z
2023-06-10 02:24:13

Bitcoin ba kamo? on Nostr: Konting Kasaysayan ng Pera Ang rebolusyong pang agrikultura, na nangyari mahigit ...

Konting Kasaysayan ng Pera

Ang rebolusyong pang agrikultura, na nangyari mahigit 12,000 taon na ang nakalipas ay naging daan upang mag-umpisa ang sibilisasyon. Sa kapasidad ng mga tao magsama-sama, lumaki ng lumaki ang mga komunidad hanggang nabuo ang mga siyudad.

Habang lumalaki ang populasyon, humihirap panatiliin ang barter. Hindi lahat ng produkto o pag-aari mo ay gusto ng iba para ipagpalit ang meron sila na nais mo. Lalo na kung nakikipagpalitan ka sa hindi mo kakilala. Isipin mo, kung napakarami mo nang plato, tatanggapin mo pa ba itong bayad sa iyo? At gaano naman kadali para sa iyo makahanap ng gugustuhin ang plato para sa ibang nais mo, tulad ng pagkain, itak, o tsinelas? Ganun din ang iyong serbisyo. Kung tutulungan mong magtanim ang mga kapitbahay, natural lang na gusto mo rin makihati sa ani. Pero kung tumutulong ka gumawa ng bahay, hindi naman ang makibahay ang gusto mong kapalit, di ba? Di ka naman nila kamag-anak.

Para makapagtulungan ang mas malaking populasyon, kailangan ng isang bagay na gusto o pinahahalagahan ng lahat - kahit di kayo magkakakilala. Ang bagay na ito ay pwedeng ipagpalit sa kahit ano. Sa pangangailangang ito nabuo ang pera.

Ang pera ay imbensyon ng tao. Marami itong naging anyo, at ang konsepto ay may kanya-kanyang pinagmulan sa mga sibilisasyong nakakalat sa mundo. Iba-iba rin ang anyo ng mga sinaunang salapi, depende sa likas na yaman ng lugar.

Ang sumusunod ay mga halimbawa ng pera na ginamit sa kasaysayan:
- Cowry shell - ginamit sa mahigit kumulang 4,000 taon sa Africa at Asya
- Barley - ginamit sa Sumer mga 3,000 BC
- Mina at Shekel - sukat ng pilak na ginamit sa Ebla (sa kasalukuyang Syria), mga 2500 - 2250 BC
- Ginto at Pilak (gold and silver) - sa Ehipto at Mesopotamia mga 3,000 BC ginamit ang mga bareta ng ginto. Sa kalaunan, ginamit ito sa anyo ng coins, kasabayan ng pilak. Hanggang ngayon, ang ginto ay kinikilala pa ring anyo ng pera sa buong mundo. Subalit mas naging investment nalang ito, sapagkat hindi ito madaling ipalipat-lipat tulad ng papel na salapi, at kalaunan elektronikong pera. Ganun din ang pilak, pero nananatiling mas mababa ang halaga nito.
- Piloncitos - maliliit na ukit na butil ng ginto, ginamit sa ilang lugar sa Pilipinas, sa pagitan ng ika-9 at ika-12 siglo.
- Tanso (bronze) - Sa anyo ng maliliit na molde, ginamit ito sa Tsina mga ika-7 hanggang ika-3 siglo BC
- Papel na salapi - ang konsepto ay nagmula sa Tsina na ginamit noong ika-10 hanggang ika-15 siglo. Ang papel na pera ay unang ginamit sa Europa nung ika-17 siglo

Mainam na tignan nating may pera, at may sistema ng pera. Ang sistema ng pera ay napagtitibay dahil sa tiwala ng tao na ang ginagamit na salapi ay maipagpapalit nya sa mga bagay na kailangan nya ngayon o sa hinaharap. Hanggat ang salapi ay kanais-nais, mayroon itong halaga. At kagaya ng law of supply and demand, tumataas ang halaga ng pera kung mas marami ang nagnanais rito, kumpara sa dami nito sa sirkulasyon. Ang sistema naman ay lumalakas habang dumarami ang naniniwala sa halaga, at tumatanggap ng salapi.

Dapat nating tandaan na ang sistema ay maaaring manghina o masira kapag nawala ang pagnanais ng mga tao sa gamit na salapi. Kapag napadali ang produksyon ng pera, na magdudulot ng mataas na bilang nito, mababawasan ang pagkakanais ng mga tao rito. Mababalewala ang halaga nito dahil hindi na ito problemang hanapin. Kumbaga, kapag malaki ang hirap at enerhiyang katumbas ng pagkuha ng pera, mataas ang tsansang maging kanais-nais ito.

Halimbawa, ang tubig ay napakahalaga sa buhay ng tao. Subalit dahil sagana ang planeta natin rito, hindi sya mahal sa merkado. Sa isang banda, ang ginto ay hindi naman nakakain. Palamuti lang ang gamit dito sa libo-libong taon ng kasaysayan ng tao. Nito lamang nagkaroon ng ibang mahalagang gamit ang ginto: sa electronics. Pero dahil mahirap syang makuha, mahal ang presyo nito.

Kumpara sa ginto at pilak, ang papel na salapi ay mas maiksi ang kasaysayan. At may panganib na kalakip ang paggamit nito: ang tukso na mag print ng sobra. Ilang beses nang nagkaroon ng pagbagsak ng halaga ng papel na salapi dahil dito (tinatawag na inflation). Nangyari ito sa Tsina noong ika-15 siglo. Ang Alemanya nung 1923 sa ilalim ng Weimar Republic ay nakaranas ng hyperinflation, o matindi at mabilisang pagbagsak ng halaga ng salapi. Nangyari ito sa Zimbabwe nung 2007 at sa Venezuela kamakailan lang mga 2016-2018.

Ang papel na salapi ay dating mga pangako ng katumbas na ginto o pilak (promissory notes). Pero ngayon, wala na ang pangakong ito. Kumbaga, mandato nalang sya ng mga gobyerno. Pawang sistema na lamang ang naiwan, at hindi ang kanais-nais na salapi. Ito’y mahalagang konsiderasyon sa uri ng perang gagamitin para sa makabagong panahon. Hanggang kailan mo ba kayang pagkatiwalaan ang gobyerno ng bansa mo?

Ang ginto ay nananatiling mataas ang halaga dahil hindi ito sindaling paramihin ng perang papel. At sa dami nang naminang ginto, kaunti nalang ang naidaragdag sa supply nito sa paglipas ng panahon. Kaso nga lang, hindi sya madaling ilipat lipat. Lalo na sa pamantayan ng panahon ngayon, na marami nang napabilis na proseso sa pamumuhay ng tao. Sa tingin mo, ano ang hinaharap ng salapi?
Author Public Key
npub1svhmr7l49zyyn0dh8s0wla9f8thtghp6le5kd7wymj5sjrz2kzmsrejk0z