What is Nostr?
Bitcoin ba kamo?
npub1svh…jk0z
2024-03-10 03:49:01

Bitcoin ba kamo? on Nostr: Mabilisang Pagkakaiba ng Bitcoin Wallet Address Pag-usapan natin ang mga Bitcoin ...

Mabilisang Pagkakaiba ng Bitcoin Wallet Address



Pag-usapan natin ang mga Bitcoin address. Base sa implementasyon, may pagkakaiba sa representasyon ng mga address.

Mabilisang pagkakaiba:

Legacy P2PKH - Ito ang unang anyo ng bitcoin address na nag-uumpisa sa “1”. Halimbawa: 1Atyy5h4SSdqWRuS8pzxgTb4bMe7ZpdunP

P2SH - Ito ang sumunod na anyo ng address para sa pagbabagong inirekomenda sa BIP-0016 para sa mga komplikadong transaksyon. Ang alinsunod na anyo ng address ay inilathala sa BIP-0013, kung saan tinukoy ang pag-uumpisa sa “3”. Halimbawa: 37paP4uTjmA4Pi85LG6CF9huift3Dw1kFT

Native SegWit - Ito ang mga address na nag-uumpisa sa “bc1”. Ito ay nagbunga mula sa pagbabagong hatid ng BIP-0141. At ang pagkuha ng wallet address ay base sa rekomendasyon ng BIP-0084 kaya makikita mo iyon minsang deskripsyon kapag gagawa ka pa lamang ng bagong Bitcoin address. Samantalang ang rekomendasyon para sa itsurang mababasa ng tao ay nasasaad sa BIP-0173. Halimbawang address na ganito: bc1q6m86vk2t8wj2fhn4s3sevg7xzjdwqlll3v73p2

Nested SegWit (P2SH-P2WPKH) — Nag-uumpisa rin ang address na ito sa “3”. Pero ito ay gamit bilang intermediyaryo para ang isang wallet na upgraded na sa SegWit ay mapagpadalhan ng wallet na hindi pa upgraded sa SegWit. Ang pagkuha ng wallet address naman ay base sa rekomendasyon ng BIP-0049, na bibigyan nating linaw mamaya.

Taproot - Ito ang pinakabagong anyo na nag-uumpisa sa “bc1”. Ang rekomendasyong sumaklaw sa pagkuha ng wallet address dito ay BIP-0086. Pero ang anyo ng address ay kaparehas ng konseptong nasasaad sa BIP-0173 dahil SegWit pa rin naman ito. Itinalaga lang sa isang taproot address ang mas bagong bersyon. Halimbawa: bc1pveaamy78cq5hvl74zmfw52fxyjun3lh7lgt44j03ygx02zyk8lesgk06f6

Mahalang tandaan na kapag ang mga wallet ay hindi sumusuporta sa mas bagong implementasyon, maaaring mawala ang Bitcoin mo. Kaya mas sigurado na magpasa ka lang sa mga magkakaparehong uri. At pag-aralan kung anu-anong mga wallet ang sumusunod sa bagong implementasyon, habang sumusuporta rin sa mga mas luma. Pwede ka naman gumawa ng iba-ibang klaseng address sa loob ng isang wallet software.

Palalawakin natin ang bawat tipo ng address sa mga susunod na posts. Subalit mababasa mo na iyon agad sa Kabanata 4 (https://bitcoinbakamo.xyz/aklat/kabanata-4-pagmamay-ari-ng-bitcoin-at-ang-wallets) kung gusto mo.
Author Public Key
npub1svhmr7l49zyyn0dh8s0wla9f8thtghp6le5kd7wymj5sjrz2kzmsrejk0z